• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 22, 2025
    Current time: October 22, 2025 8:30 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mga panukalang batas, ipinasa ng Kamara

Inaprubahan ng Kamara ang iba’t ibang panukala sa ikalawang pagbasa bago nagdeklara ng pagsasara ng sesyon para sa pagdiriwang ng Pasko.

 

Isa na rito ay ang House Bill 8097 na naglalayong gawaran ng karagdagang benepisyo ang mga solo parents.

 

Ang mga kuwalipikadong solo parents ay maaaring makinabang ng karagdagang 10% diskwento, sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan ng bata o mga kabataan na nasa ilalim ng solong pangangalaga ng kuwalipikadong solo parent.

 

Aamyendahan ng panukala ang Republic Act 8972 o ang “Solo Parents Welfare Act of 2000” upang pasiglahin ang buhay at estado ng mga solo parents at kanilang mga anak.

 

Inaprubahan din ang HB 8145 na naglalayong palawigin ang implementasyon ng lifeline rate kung saan aamyendahan nito ang Seksyon 73 ng Republic Act 9136 o mas kilala bilang “Electric Power Industry Reform Act of 2001 o EPIRA Law. Ito ay upang gawing abot-kaya ang halaga ng kuryente para sa mga konsyumer na nabubuhay sa kahirapan.

 

Ang iba pang panukalang inaprubahan ay ang HB 8149 o ang “Bating Filipino Para sa Kalusugan Act,” na naglalayong baguhin ang sistema ng pagbati sa mas ligtas na pamamaraan para magpahayag at magpaabot ng pangungumusta, respeto, at papuri; HB 8216 o ang “Swimmers’ Protection and Safety Act,” HB 7950 o ang “People Empowerment Act,” na naglalayong bumuo ng sistema ng pakikipagsosyo sa pagitan ng lokal na pamahalaan at civil society organizations, sa pamamagitan ng People’s Council; at ang HB 8207 na naglalayong palitan ang mga kasalukuyang munisipalidad o grupo ng mga barangay tungo sa component cities.   (ARA ROMERO)