2 construction workers, bebot timbog sa Valenzuela buy bust
- Published on May 8, 2023
- by @peoplesbalita
TATLONG hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang 41-anyos na bebot ang nasakote sa magkahiwalay na buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Penones Jr, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destutra Jr na alas-10:30 ng umaga nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt Joel Madregalejo sa St. Lukes St., Brgy., Veinte Reales.
Kaagad inaresto ng mga operatiba si Rosie Atencio, 41, matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nasamsam kay Atencio ang humigi’t kumulang 5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P34,000, buy bust money, cellphone at coin purse.
Nauna rito, natimbog naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Kapisanan Anak Dalita, Brgy. Marulas dakong alas-3:15 ng madaling araw sina Jaidie Bacula, 30, at Juan JR Auzana, 35, kapwa construction worker.
Ani Cpt Madregalejo, nakumpiska sa mga suspek ang nasa 7 grams ng hinihinalang shabu na may SDP value na P47,000, P300 bills na ginamit bilang buy bust money, P100 recovered money, coin purse at cellphone.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)