83 milyong pa lang ng SIM cards ang narerehistro
- Published on April 26, 2023
- by @peoplesbalita
INIULAT ng National Telecommunications Commission (NTC) na umaabot pa lamang sa halos 83 milyon ang mga SIM cards na nairehistro na sa ilalim ng SIM Card Registration Act.
Ito ay ilang araw na lamang bago ang deadline ng rehistro sa Abril 26, 2023.
Hanggang nitong Abril 23, 2023, nasa 82,845,397 na ang bilang ng SIM cards na nairehistro sa bansa.
Ito ay 49.31% o wala pang kalahati ng kabuuang 168,016,400 SIM na naipagbili ng mga telecom companies.
Sa naturang bilang, 39,949,785 ang Smart subscribers; 37,099,437 Globe at 5,796,175 Dito Telecommunity.
Patuloy na nanawagan ang NTC sa publiko na irehistro na ang kanilang SIM bago ang deadline upang makaiwas sa deactivation.
Una nang hiniling ng mga kumpanyang Globe at Smart na i-extend pa ang deadline upang mas marami pang subscribers ang makapagrehistro.
Sinabi naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nananatili pa ring Abril 26 ang deadline ng SIM card registration ngunit pinag-aaralan na rin umano kung palalawigin pa ito o hindi na.