Bisa ng driver’s license, pinalawig hanggang Oktubre 31
- Published on April 24, 2023
- by @peoplesbalita
PINALAWIG ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng driver’s license na mag-e-expire simula Abril 24.
Ito ay batay sa nilagdaang memorandum circular ni LTO chief Jay Art Tugade na nagpapalawig sa validity ng driver’s license hanggang Oktubre 31 ng kasalukuyang taon o sa sandaling matapos na ang procurement o ang proseso ng pagbili ng license cards na pinangangasiwaan ng Department of Transportation (DOTr).
Maliban dito, maituturing na waived o hindi na sisingilin ang multa sa late renewal.
“All holders of driver’s license cards expiring 24 April 2023 onwards shall no longer be required to renew their licenses until October 31, 2023 or as soon the driver’s license cards become available for distribution to the public,” nakasaad sa memorandum circular.
Ang hakbang ng LTO ay sa gitna na rin ng nararanasang kakulangan ng suplay ng license cards sa lahat ng tanggapan ng LTO, nationwide.
Kasabay nito, sinabi ni LTO chief Tugade na umaasa ang ahensya na agad nang matatapos ng DOTr ang proseso ng procurement o pagbili ng license cards upang mapasimulan ang pag-iimprenta at maibigay na sa mga driver na naghihintay ng kanilang plastic card na driver’s license.
Inaabisuhan naman ang lahat ng law enforcers ng LTO at deputized agents nito na kilalanin ang validity o bisa ng driver’s license na napaso simula sa Abril 24, 2023. (Daris Jose)