• September 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

ASF kakalat sa summer vacation, picnics – DA

NAGBABALA ang Department of Agriculture (DA) sa posibilidad na bumilis ang hawahan ng African Swine Fever (ASF) ngayong summer vacation dahil madali aniyang maihawa ang naturang karamdaman sa panahon ng tagtuyot o dry season.
Ayon kay Assistant Secretary at deputy spokesman Rex Estope­rez, maraming tao ang tiyak na magbabakasyon at magpipiknik ngayong summer season kaya’t malaki ang posibilidad na bumilis ang pagkalat ng virus.
Aniya, ang nais nilang mangyari sa ngayon ay maiwasan ang pagkalat ng ASF ng ‘province to province,’ at ‘island to island’ upang maiwasan ang lalong pagdami ng mga baboy na maaapektuhan nito.
Ang babala ay matapos ituring nang national concern ang ASF matapos kumalat na sa 16 rehiyon sa bansa.
Ayon kay Estoperez, inimpormahan na nila si Pang. Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa lawak ng outbreak ng virus.
Batay sa ulat ng Bureau of Animal Industry (BAI), nabatid na hanggang noong Marso 27, naitala ang unang kaso ng ASF sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos na magkaroon ng outbreak sa South Upi, Maguindanao del Sur.
Bukod sa BARMM, apektado na rin ng virus ang Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at Caraga Region.
Tanging ang Metro Manila na lang ang walang kaso nito.
Kaugnay nito, nana­wagan rin si Estoperez sa mga pasahero na iwasan ang pagdadala ng mga sariwa o lutong pork at pork products sa pagbiyahe nila sa mga lalawigan, bilang pakikiisa sa pagsusumikap ng pamahalaan na makontrol ang pagkalat pa ng ASF sa bansa. (Daris Jose)