Barangay employees, kasali na sa ‘Pambansang Pabahay’
- Published on April 4, 2023
- by @peoplesbalita
PASOK na rin ang mga empleyado ng barangay sa mga benepisyaryo ng programang pabahay ng pamahalaan.Batay ito sa probisyon ng isang memorandum of understanding (MOU) na nilagdaan kamakailan nina Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar at Interior Secretary Benhur Abalos.
Base sa kasunduan, magtatayo ng housing units para sa mga mahihirap na barangay worker at informal settler sa ilalim ng “Pambansang Pabahay” program.
Target sa kasunduan na mabigyan ng pabahay ang mga mahihirap na barangay tanod, day care teachers, response team workers at iba pang kuwalipikadong empleyado, maging ang mga permanent, contractual o casual workers.
“Sa tulong po ng DILG, we are finally bringing our program to the barangay level,” ayon kay Acuzar.
Kasama rin sa programa ang informal settler families bilang buyer-beneficiaries ng affordable housing units.
Tutulong umano ang DILG sa mga barangay para tukuyin ang mga benepisyaryo sa pamamagitan ng social preparation, census enumeration, socio-economic profiling at pagtatalaga ng social parameters. (Daris Jose)