Teenager isinelda sa boga at panggugulo sa Navotas
- Published on March 15, 2023
- by @peoplesbalita
KULUNGAN ang kinasadlakan ng 19-anyos na lalaki na nanghiram ng tapang sa dalang baril nang dumayo pa upang manggulo at maghamon ng away sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang suspek na si Leo Boy Arogante, residente ng Brgy. Longos, Malabon City na nahaharap sa kasong Alarms and Scandal, Art 155 of RPC at Sec. 28, Art V, R.A. 10591, Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Umipig na nakatanggap ang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 4 Kaunlaran ng report mula sa mga tanod na isang lalaki ang nanggugulo sa Block 34, Tabing-Ilog, Tumana, Brg. NBBS Dagat-Dagatan.
Kaagad rumesponde sa nasabing lugar ang mga pulis at naabutan nila ang suspek na nanggugulo at nagsisigaw dakong alas-2 ng madaling araw kaya inawat nila ito saka sinabuhan na umuwi na lamang.
Gayunman, nagpatuloy pa rin umano sa pagwawala ang suspek na naging dahilan upang arestuhin na siya nina P/SSgt. Jason Dela Cruz, P/Cpl. Bobby Agustin at Pat. Mathew Adriano.
Nang kapkapan, nakuha sa kanya ang isang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na may kargang dalawang bala na nakasukbit sa kanyang baywang kaya’t pinapurihan ni BGen. Peñones si Col. Umipig sa pagkakaaresto sa suspek. (Richard Mesa)