Libreng taunang medical checkups sa lahat, isinulong
- Published on March 3, 2023
- by @peoplesbalita
NAIS ng tatlong mambabatas na maglaan ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ng libreng annual medical checkups sa lahat ng mga miyembro nitoupang masiguro na makakakuha ang bawat Pilipino ng access sa preventive care at matugunan ang mga seryosong health conditions sa unang stages pa lamang.
Ayon kay Davao City Rep. Paolo Duterte, dala na rin sa Universal Health Care Act ay otomatikong miyembro ang lahat ng Pilipino sa Philhealth, kaya dapat na kasama rin ang libreng medical checkups sa benepisyo ng batas.
Inihain ni Duterte kasama sina Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Partylist Rep. Edvic Yap ang House Bill (HB) 5074 na ang layon ay otomatikong maisama ang bawat pinoysa libreng blood sugar at cholesterol tests kada taon.
“To promote health, identify risks, and ensure early diagnosis, PhilHealth shall establish a system that allows access to a free annual medical check-up and ensure that Filipinos shall be accorded the quality health care services that they deserve,” ayon sa panukala.
Sinabi pa ni Duterte na ang pag-invest sa libreng medical checkups para sa bawat Pinoy ay makakatulong na makapagligtas ng buhay at masigurong walang maiiwan sa usapin ng health care.
Ang maagang pagkakadiskubre sa isang seryosong medical conditions ay hindi lamang kapaki-pakinabang sa bawat Pilipino kundi maging sa Philhealth, dahil magagawang maibaba nito ang gastos sa pagbibigay ng mahal na medical procedures na kaakibat ng mga life-threatening diseases.
Sa ilalim pa ng panukala, makakakuha ng free medical checkup sa alinmang government-run hospital o medical institution ang mga Pinoy.
Bukod sa libreng cholesterol at blood sugar tests, ipinanukala pa ng mga mambabatas ang pagsasama sa expanded laboratory at diagnostic tests sa libreng annual medical checkup benefit. (Ara Romero)