Third-party POGO auditor, nakasunod sa lahat ng bidding requirements – PAGCOR
- Published on January 28, 2023
- by @peoplesbalita
WALA raw nakikita ang Philippine Amusement and Gaming Corporation chairman at Chief Executive Officer Alejandro Tengco na iregularidad sa kontrata ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Global ComRCI sa ating bansa.
Sinabi ng third-party auditor na nakakuha sa multi-billion peso contract para sa assessment ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nakasunod daw ang mga ito sa bidding documents.
Ibig daw sabihin ay malinaw na nakasunod ang mga ito sa lahat ng requirements sa terms of reference.
Noong Lunes kinuwestiyon ni Senator Sherwin Gatchalian ang kontrata sa pagitan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation at Global ComRCI.
Isinalarawan ng senador na “spurious” o peke ang bank certificate na inisyu ng Soleil Chartered Bank na nagsasabing ang Global ComRCI ay compliant sa mga requirement na magsisilbi bilang Philippine Offshore Gaming Operators consultant ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Pero depensa ni Tengco na lumalabas daw sa pag-aaral ng bids and awards committee (BAC) ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na Soleil Chartered Bank ay mayroong mga branches sa malalaking lungsod sa buong mundo gaya ng New York, London at Milan nang isagawa ang bidding para sa third-party auditor.
Dagdag ni Tengco, binayaran na rin daw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ang firm ng nasa P800 million noong 2019 at 2020. (Daris Jose)