• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sabungan na may automated tayaan, sinalakay ng NBI

SINAMPAHAN  na ng patung-patong na kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 10 opisyal ng isang sabungan sa Quezon City dahil sa paggamit ng digital system sa pagpapataya sa kanilang mga kustomer makaraang salakayin ito noong nakaraang Biyernes.

 

 

Kabilang sa mga kasong isinampa ay ang paglabag sa Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling, paglabag sa Executive Order 09 o ang pagbabawal sa e-sabong, at Cybercrime Prevention Act.

 

 

Sa ulat, sinalakay ng mga tauhan ng NBI-NCR sa pa­ngunguna ni Special Investigator III Ferdie Manuel ang Sta. Monica Cockpit sa may Novaliches, Quezon City dahil sa sumbong na nag-ooperate sila ng e-sabong na mahigpit na ipinagbawal.

 

 

Armado ng search warrant, nadiskubre ng raiding team ang mga naka-set up na television screen, camera, servers at wifi na gamit sa operasyon.

 

 

Ayon kay Manuel, ang naturang mga gadgets ay para talaga sa online sabong kaya hinihinala nila na may operasyon talaga ang sabungan ng online sabong. Sa kasaluku­yan, ang pinapayagan lamang umano ng batas ay ang mano-mano o tradisyunal na tayaan sa sabungan.

 

 

Ikinatwiran naman ni Lo­well Haynom, operations ma­nager ng sabungan, na para sa pagpapataya lamang ang mga gadgets na gamit nila para hindi na magsigawan, maghagisan ng pera at maraming galaw ang mga sabu­ngero.  Ito ay upang maiwasan umano ang pagkalat ng CO­VID-19 virus sa mga sabu­ngan at pagsunod sa protocols ng Inter-Agency Task Force on COVID-19.

 

 

Tiniyak niya na sa loob lamang ng sabungan nila ang digital na tayaan at hindi nila nila-livestream.

 

 

Sa kabila nito, kinumpiska ng NBI ang mga gadgets para isailalim sa digital forensic ­examination para matiyak kung nagsasagawa ang sabungan ng live streaming. Irerekomenda rin nila sa lokal na pamahalaan ng Quezon City na kanselahin ang business permit nito. (Daris Jose)