• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Higit 17 milyong SIM cards, nairehistro na; registration hanggang Abril 26

UMAABOT  na umano sa mahigit 17 milyon ang mga SIM cards na nairehistro na sa bansa.

 

 

Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), batay sa datos ng National Telecommunications Commission (NTC), hanggang Enero 10, 2023, umaabot na sa mahigit 17 milyon ang rehistradong SIM cards.

 

 

Ito ay 10.13% anila ng halos 170 milyong cellular subscribers sa bansa.

 

 

Sa naturang bilang, ang Smart ang pinakamaraming nairehistro na nasa mahigit walong milyon, sumunod ang Globe na nasa 7.6 milyon at ang DITO ay mayroon namang 1.5 milyon.

 

 

Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng DICT ang publiko na ang SIM registration program ay magtatagal lamang sa loob ng 180 araw o hanggang Abril 26.

 

 

Nagbabala rin ang DICT na ang mga SIM cards na hindi mairehistro sa nasabing petsa ay otomatiko nang made-deactivate.

 

 

Dagdag pa ng DICT, dapat na gumamit lamang ng official channels sa pagrehistro ng SIM cards, kabilang dito ang: SMART – smart.com.ph/simreg or simreg.smart.com.ph; GLOBE – new.globe.com.ph/simreg; DITO – https://digital.dito.ph/pto/download/app.

 

 

Anang DICT, target nilang makaparehistro ng may isang milyong SIM cards kada araw.

 

 

Dagdag pa nito, ang sinumang may reklamo o concern hinggil sa SIM Registration ay maaaring tumawag sa DICT hotline na 1326.