88K deboto lumahok sa ‘Walk of Faith’ ng Nazareno
- Published on January 10, 2023
- by @peoplesbalita
UMABOT sa tinatayang 88,000 deboto ang lumahok sa isinagawang prusisyon o “Walk of Faith” mula Quirino Grandstand hanggang simbahan ng Quiapo bilang bahagi ng Pista ng Itim na Nazareno nitong Sabado ng madaling araw.
Ang pagtataya ay galing sa Quiapo Church command post. Masyadong maliit ito kumpara sa halos 450,000 na dumalo sa Traslacion noong Enero 9, 2019 ngunit inaasahan na ito dahil ngayong taon ay hindi isinama ang imahe ng Itim na Nazareno at ang Andas nito sa prusisyon.
Ito rin ang ikatlong taon na hindi isinama ang imahen dahil sa ipinatutupad na ‘safety protocols’ dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang misa, pinaalalahanan ni Rev. Fr. Rufino Secon Jr. ang mga deboto na isapuso pa rin nila ang Itim na Nazareno o si Hesus kahit na hindi kasama ang imahen sa prusisyon.
Eksakto ala-1 ng madaling araw nang mag-umpisa ang Walk of Faith matapos ang isang misa. Hindi katulad ng mga nakaraang prusisyon, ipinagbawal na isama ang mga imahe na mas mataas sa dalawang talampakan.
Isinagawa rin naman ang tradisyunal na “Dungaw”, kung saan ang imahe ni Birhen ng Soledad (Blessed Virgin Mary), ay inabangan ang prusisyon.
Tumagal ang Walk of Faith ng dalawang oras at 14 na minuto hanggang sa makarating ito sa simbahan ng Quiapo dakong alas-4 ng madaling araw. Noong 2019, tumagal ang Traslacion ng 21 na oras.
Nakapagtala naman ng 94 na deboto na nagkasakit.
Sa Quiapo, 16 (‘hypertension’), 4 (sugat), at dalawa (ibang sakit); sa Quirino Grandstand, 23 (hypertensyon, 1 (asthma), 1 (sugat), 1 (headache); habang sa mismong prusisyon ay 45 ang nirespondehan ng health volunteers kabilang ang 35 na hypertensyon habang isa ang isinugod sa ospital nang mawalan ng malay.