DOH, siniguro sa publiko na hindi matutulad sa Dengvaxia ang Covid -19 vaccine
- Published on December 3, 2020
- by @peoplesbalita
TINIYAK ng Department of Health (DOH) sa publiko na hindi matutulad sa Dengvaxia vaccine ang AstraZeneca Covid-19 vaccine.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na lahat ng bakuna na aangkatin ng bansa ay idadaan sa mahigpit na pagsusuri ng mga vaccine expert panel ng Pilipinas.
Maging ang single-joint Review Ethics Board ay magsasagawa na rin ng pagsusuri.
Magbibigay din ang mga ito ng ulat ukol sa pasado ba sa kanilang pag-aaral ang mga bakuna na posibleng bilhin ng Pilipinas mula sa ibang bansa.
Makaraan nito ay isusumite naman sa board ng Food and Drug Administration (FDA) ang kanilang findings hinggil sa mga Candidate vaccine kung saan muli itong isasailalim sa regulatory and technical evaluation.
Dahil dito, tiwala ang Kalihim na mahihirapang makalusot sa Pilipinas ang mga palyado o mga hindi epektibong bakuna laban sa Covid-19. (Daris Jose)