P10K bonus sa Quezon City hall employees, aprub ni Mayor Joy
- Published on October 11, 2022
- by @peoplesbalita
INAASAHANG makakatanggap ang mga empleyado ng Quezon City Hall ng tig-P10,000 bonus bilang pagpapaabot ng pasasalamat sa kanilang kontribusyon sa “sound financial management” recognition na natanggap ng pamahalaang lungsod sa ikalawang sunod na taon.
Mismong si Quezon City Mayor Joy Belmonte ang nag-anunsiyo hinggil sa pagkakaloob ng bonus sa mga city hall employees sa ginanap na Inter-department Dance Competition sa Quezon Memorial Circle nitong Sabado ng gabi.
Una nang inaprubahan ni Belmonte ang Ordinance No. SP-3138, S-2022, na nagkakaloob ng insentibo sa mga QC Hall employees, kabilang yaong may contracts of service, job orders at consultancy contracts.
“Ang bonus na ito ay pagkilala ng ating pamahalaang lungsod at ng ating Quezon City Council, sa pamumuno ni presiding officer at Vice Mayor Gian Sotto, sa sipag ng ating mga tauhan na nakatulong para makuha natin ang mga karangalan mula sa Commission on Audit (COA),” ayon kay Belmonte.
“Malaking tulong ang halagang ito sa ating mga empleyado bilang pandagdag gastos sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya, lalo ngayong tumataas ang halaga ng ilang pangunahing bilihin,” dagdag pa niya.
Inatasan na ni Belmonte ang City Budget Officer na ilabas na ang kinakailangang pondo para sa naturang insentibo.
Nabatid na inaprubahan ng Quezon City Council ang naturang ordinansa matapos na umani ang city government ng “unqualified opinion” mula sa Commission on Audit para sa mga taong 2020 at 2021.
Ang ‘unqualified opinion’ ay ang pinakamataas na audit opinion na maaaring ibigay ng COA sa isang ahensiya ng gobyerno. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)