• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Panawagang pagkuha ng drug tests sa showbiz industry, public servants, pinapurihan

PINAPURIHAN  ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers si Senador Robinhood Padilla sa panawagan nito sa lahat ng government officials at employees, maging mga kasamahan sa showbiz industry na sumailalim sa drug tests, bilang magandang halimbawa sa publiko.

 

 

“Atin pong pinupuri si Sen. Padilla sa kanyang position na dapat maprotektahan ang mga Filipino, mga opisyal at kawani ng pamahalaan, kasama na ang kanyang mga fellow workers sa showbiz industry, sa mga masasamang epekto ng illegal na droga,” anang mambabatas.

 

 

Sa kanyang kampanya kontra droga, naghain ng resolusyon si Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, para sa pagsasailalim sa mga miyembro ng Kamara sa mandatory drug test bago ito maupo sa puwesto at gagawin kada taon.

 

 

Ang kabiguan na sumunod dito ay magsisilbing batayan para huwag ibigay o i-withhold ang sahod at benepisyo at karagdagang parusa sa ilalim ng civil service laws and rules.

 

 

Sinabi ng mambabatas na ang pagkaka-aresto ng isang actor sa ginanap na drug-buy bust operation ang dahilan kung bakit nanawagan ito sa lahat ng Filipino movie production outfits, director at talent agents na isailalim ang mga artistang nasa kanilang pangangalaga sa drug testing bago agbigya ng kanilang professional services.

 

 

“Alam ko na halos lahat ng ating mga artista ay drug-free o malinis sa usapin ng illegal na droga. Pero meron din na naliligaw ng landas, na gumagamit o minsan nagtutulak pa ng illegal na droga,” pahayag nito.

 

 

“Kaya hinihiling at hinihikayat ko ang hanay ng ating showbiz industry na tumulong sa kampanya laban sa droga sa pamamagitan ng pag-police ng kanilang ranks at i-subject ang kanilang mga talents sa drug test bago bigyan ng project,” dagdag ni Barbers. (Ara Romero)