PSC inihahanda na ang mga pasilidad para sa Team Philippines
- Published on September 21, 2022
- by @peoplesbalita
KAILANGAN nang paghandaan ng mga national athletes ang mga darating na international competitions kagaya ng 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia at ang 19th Asian Games sa China sa 2023.
Kaya naman gagawing 100% operational ng Philippine Sports Commission (PSC) ang Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) at PhilSports Complex bilang mga main training venues ng national team.
“We are excited to see the national athletes back in training in these facilities,” wika kahapon ni PSC Chairman Noli Eala.
Ang mga pasilidad ng PSC sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz at Philsports Complex sa Pasig City ang ginawang quarantine centers ng gobyerno sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic simula noong 2020.
Kasalukuyan nang ginagawa at inaayos ang Rizal Memorial Coliseum (RMC) at ang Ninoy Aquino Stadium (NAS) sa RMSC na ibinalik ng Armed Forces of the Philippines ang pamamahala sa PSC noong Hulyo 19.
Ginagamit na rin ng mga national athletes ang RMSC Baseball at Softball Field, Tennis Center, Swimming at Diving Pool, Wushu at Wrestling Gyms, Billiards at Judo Hall.
Tiniyak ni Eala na nasusunod pa rin ang health safety protocols sa nasabing mga pasilidad para sa kaligtasan ng mga national athletes at coaches.