DSWD: P935 milyong educational ayuda, naipamahagi na
- Published on September 13, 2022
- by @peoplesbalita
UMAABOT na sa mahigit P935 milyong halaga ng educational assistance ang naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 370,000 student beneficiaries mula ng ipinatupad ang naturang programa.
Ayon kay DSWD Undersecretary Jerico Javier, hanggang noong Setyembre 10, aabot na sa P935,971,800 ang kabuuang halaga na naipamahagi nila sa mga benepisyaryo sa ilalim ng kanilang cash assistance program.
Noon lamang Setyembre 10, P261,208,000 cash ang kanilang na-disbursed sa may 104,326 benepisyaryo.
Aniya pa, wala rin silang naitalang anumang problema sa kanilang mga payout sites sa buong bansa, sa naganap na distribusyon ng ayuda nitong Sabado.
Ang programa ay sinimulan ng DSWD noong Agosto 20 at nakatakdang magtapos sa Setyembre 24 o tatagal ng anim na Sabado lamang.
Sa ilalim nito, hanggang tatlong estudyante sa bawat indigent family ang maaaring makatanggap ng P1,000 para sa elementary students, P2,000 sa high school, P3,000 sa senior high, at P4,000 sa college students o vocational courses.
Gayunman, isinara na ng DSWD ang online application para sa educational assistance program dahil sa rami ng mga aplikasyon na kanilang natanggap, gayung limitado lamang ang pondo nila para dito.
Aabot sa P1.5 bilyon ang inilaan ng DSWD para sa 400,000 estudyante sa buong bansa.
Sinabi naman ni Javier na depende sa budget kung bubuksan pa nilang muli ang online application. (Daris Jose)