PBBM inaprubahan ang boluntaryong face masks sa outdoor areas
- Published on September 13, 2022
- by @peoplesbalita
EPEKTIBO na sa ngayon ang “optional” na paggamit ng face masks laban sa COVID-19 outdoors sa mga hindi siksikan na lugar, matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ito ang kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, Lunes, sa pag-isyu ni Marcos ng Executive Order 3.
Matatandaang ika-7 ng Setyembre nang ibalitang inirekomenda ng IATF na tanggalin na ang mandatory face mask requirement sa mga pampublikong lugar basta’t “non-crowded” at merong “good ventilation” ang mga naturang lugar.
Sa kabila nito, labis pa rin naman daw ineengganyo ng gobyerno ang mga senior citizens (60-anyos pataas), mga immunocompromised individuals at mga hindi pa kumpleto ang bakuna na patuloy magsuot ng face masks, ayon kay Angeles.
Ang lahat ng ito ay nangyayari ngayong extended pa ng tatlong buwan ang state of calamity sa Pilipinas dahil sa COVID-19. (Daris Jose)