Cool Smashers kakasa sa ASEAN Grand Prix
- Published on September 6, 2022
- by @peoplesbalita
HANDA na ang lahat sa pagsabak ng Creamline Cool Smashers sa 2022 Asean Grand Prix na idaraos sa Nakhon Ratchasima, Thailand sa Setyembre 9 hanggang 11.
Nakatakdang lumipad patungong Bangkok ang buong delegasyon sa Miyerkules.
Kumpleto ang Cool Smashers na magtutungo sa Thailand dahil base sa inisyal na plano, kasama si team captain Alyssa Valdez.
Matapos magkampeon sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference, hindi nakapaglaro si Valdez sa AVC Cup na ginanap sa Philsports Arena sa Pasig City matapos itong tamaan ng dengue.
Ngunit nilinaw ni PVL official Tony Boy Liao na makakasama lamang ng team si Valdez sa Thailand. Hindi ito maglalaro upang lubusang makapagpahinga ang kanyang katawan.
Hindi rin naman isinasantabi ang posibilidad na maglaro ito lalo pa’t nakabalik na sa magandang porma ang volleyball star matapos ang pinagdaanang hirap sa dengue.
Magbabalik na rin si middle blocker Risa Sato.
Bukod kina Valdez at Sato, sasabak din sina two-time MVP Tots Carlos, outside hitter Jema Galanza, opposite spiker Michele Gumabao, at middle blockers Jeanette Panaga at Celine Domingo.
Nariyan pa sina playmaker Jia Morado at libero Kyle Atienza.
Mapapalaban ang Cool Smashers dahil makakasagupa nito ang powerhouse Thailand, Vietnam at Indonesia.
Sa unang edisyon ng Grand Prix noong 2019, nagtapos sa ikatlong puwesto ang Pinay Spikers sa first leg na ginanap sa Thailand at second leg na ginanap naman sa Pilipinas.
Itinanghal na Best Middle Blocker sa parehong leg si dating national team member Majoy Baron habang Best Libero naman si Dawn Macandili sa second leg.