Pag-aalis ng face mask ‘wag muna – DOH
- Published on September 2, 2022
- by @peoplesbalita
PUMALAG ang Department of Health (DOH) sa ipinalabas na kautusan ng isang local government unit (LGU) na nagsasabing boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa ilang lugar.
Iginiit ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, na masyado pang maaga para itapon na ang face masks o itigil na ang mandatory na pagpapatupad sa pagsusuot nito.
Reaksyon ito ni Vergeire sa nilagdaang executive order ni Cebu City Mayor Michael Rama na nagsasabing boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face masks sa lungsod, maliban sa mga ospital, klinika at iba pang medical facilities.
Ani Vergeire, hindi kinonsulta ang DOH sa pagtatanggal ng lungsod sa mandatory na pagpapasuot ng face mask dahil hindi maari na may isang lugar na nagpapatupad ng isang patakaran na taliwas sa iba pang lugar sa bansa. Kailangan aniya ang “one nation approach” laban sa nararanasang pandemya.
“I always say a city within a country cannot act on its own… Hindi pwedeng ang isang lugar sa ating bansa ay nagpapatupad ng kanilang protocol, samantalang the rest of the country is implementing the other side of the protocol o magkaiba because we have porous borders,” ani Vergeire sa press briefing.
Aniya, ang paggamit ng mga face mask ay nakakabawas ng 70% hanggang 80% sa panganib na magkaroon ng COVID-19 .
“Ang pagsusuot ng mask ay kaunting sakripisyo lang para maproteksyunan natin ang sarili natin.
“Darating tayo sa punto na maaari nang tanggalin ang mask kapag nasigurado na ng gobyerno na protektado ang mamamayang Pilipino ng mga bakunang binibigay natin sa komunidad,” dagdag pa ni Vergeire. (Daris Jose)