Obiena naka-ginto sa Germany
- Published on August 26, 2022
- by @peoplesbalita
MULING umarangkada si Ernest John Obiena matapos makasikwat ng gintong medalya sa 26th Internationales Stabhochsprungmeeting na ginanap sa Jockgrim, Germany.
Nairehistro ni Obiena ang impresibong 5.81 metro distansiya upang masiguro ang gintong medalya.
Maliban sa ginto, naabot din ni Obiena ang meet standards para sa prestihiyosong World Athletics Championships na idaraos sa susunod na taon sa Hungary.
“Great start for the second part of the season. We got the gold medal and we got the standard for next year’s World Champs in Hungary,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
Isang beses na attempt ang kinailangan ni Obiena para masiguro ang No. 1 spot.
Sinubukan pa ni Obiena na makuha ang 5.95m na Asian record subalit kinapos ang Pinoy bet.
Bigo sina 2022 World Championships silver medalist Christopher Nilsen ng Amerika, Marschall Kurtis ng Australia at Bo Kanda Lita Baehre ng Germany na maabot ang 5.81 metro.
Pare-parehong may 5.71 metro sina Nilsen, Kurtis at Baehre.
Subalit nakuha ni Nilsen ang pilak na may dalawang attempts lamang habang parehong may bronze medal sina Kurtis at Baehre na kapwa nakuha ang marka sa kanilang ikatlong pagtatangka.
Hindi pa tapos ang kampanya ni EJ dahil sunod itong masisilayan sa aksyon sa Athletissima Lausanne na idaraos sa Switzerland sa Biyernes.