Finale episode, nagtala ng all-time high concurrent viewers: SHARON, labis ang pasasalamat kay COCO at humihirit pa ng part two ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’
- Published on August 16, 2022
- by @peoplesbalita
MARAMI talagang naapektuhan at pinaiyak sa farewell episode ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ last Friday na kung saan ang minahal na character ni Coco Martin na si Cardo Dalisay lang ang naiwang buhay sa Task Force Agila.
Isa sa nakapukaw ng damdamin ng mga viewers ang ‘tribute’ na ginawa nila ng serye para kay Ms. Susan Roces na gumanap na Lola Flora at ang makadurog-pusong eksena ni Cardo na tinatanong niya kung nasaan ito at sinagot ng, “Hindi ka na niya nahintay.”
Nakapagtala nga ang finale episode ng all-time high concurrent viewers na higit 500K, kaya mission accomplished ang pambansang teleserye na pitong taon ding naging bahagi ng pamilyang Pinoy.
Kaya sa sobrang lungkot at siguradong mami-miss nila tuwing gabi, humihingi na agad ang mga netizens ng part two, since buhay naman si Mara (Julia Montes), kaya puwede pang ituloy ang love story nila.
Si Megastar Sharon Cuneta naman ay labis-labis ang pasasalamat sa actor/director dahil naisipang siyang isama sa napakalaking cast. Maluha-luhang pahayag niya, “Nagpapasalamat uli ako sa ‘yo Coco, dahil ikaw ang nakaisip na isali ako dito sa napakagandang programang ito. Binigyan mo ako ng pamilya.
“Binigyan mo ako ng something to look forward to, tuwing may bagong cycle tayo. Umaalis ako ng bahay hindi mabigat ang loob, kundi napakasaya ko araw-araw. Maraming salamat, sa respetong ipinakita mo sa akin, sa inyong lahat, na nagpaalala sa akin uli, kung sino ako.
“Salamat Coco, salamat sa pagtanggap ninyo kay Aurora. At kaya ka minahal at minahal si Cardo, kasi kailangan ng bansa ng bayani, kaya kayo minahal kasama ng Task Force Agila.
“Kaya sana ang wish ko Lord, magkaroon ng tunay na Cardo at saka ng Agila sa bansang ito.”
At nagwi-wish din si Sharon na gumawa raw ng part two si Coco.
“Pero ang pinakahigit sa lahat, ang wish ko gumawa ka ng part two, dahil buhay pa naman kami ni Oscar (played by Rowell Santiago). At saka buhay pa kayo ni Mara, kaya pwede pa natin itawid ito, anak!”
Ganun na lang nga ang pasasalamat ni Coco, na nagkaroon ng ‘Pasasalamat Tour’ last Sunday sa Vistamall Taguig at Aug. 19, Starmall, San Jose del Monte, Bulacan, Aug. 20, Cebu, at Aug. 21, Robinsons Pavia, Iloilo. Abangan din ang kanilang US tour sa September at October.
Pero mukhang imposible na ma-grant agad ang wish ng mga loyal viewers ng FPJAP dahil baka raw ang next action series ni Coco ay ang remake ng ‘Batang Quiapo’ o ‘Isusumbong Kita Sa Tatay Ko’, na parehong blockbuster movies ni Da King.
May movie rin gagawin si Coco na siya rin ang magdi-direk, ang ‘Labyu With An Acccent na pagtatambalan nila ni Jodi Sta. Maria, na isa sa entry sa 2022 MMFF.
(ROHN ROMULO)