Aftershocks asahan pa kasunod ng magnitude 7.0 quake sa Abra – Phivolcs
- Published on July 28, 2022
- by @peoplesbalita
NAGBABALA ang Phivolcs sa mga lugar sa lalawigan ng Abra at iba pang kalapit na lugar na asahan pa ang serye ng aftershocks matapos na tumama kanina ang 7.0 magnitude na lindol.
Una rito, nairehistro sa mga instrumento ng Phivolcs ang sentro ng malakas na lindol sa tatlong kilometro ang layo mula sa Tayum, Abra dakong alas-8:43 ng umaga na may lalim na 17 kilometers.
Kaugnay nito, nagpaalala rin naman ang Phivolcs na maaaring magdulot ng pinsala ang naturang pagyanig.
Ilang mga pinsala na rin ang iniulat ng mga otoridad sa imprastraktura at patuloy pa ang assessment sa mga lugar na nakaramdam ng may kalakasang pag-uga ng lupa.
Sa lakas ng lindol naramdaman ito hanggang sa Metro Manila kung saan may ilang mga residente ang naglabasan sa kanilang mga tahanan at ilang matataas na gusali.
Samantala, Pres. Marcos, nagkansela ng aktibidad para asikasuhin ang epekto ng lindol.
Pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabibigyan ng tulong ang mga apektado ng magnitude 7.0 na lindol sa malaking bahagi ng Luzon.
Ayon kay Press Sec. Trixie Cruz-Angeles, may mga aktibidad sanang nakahanay ang pangulo, ngunit minabuti nitong tutukan na lang muna ang pagtugon sa mga nasalanta ng kalamidad.
Maging sa Malacanang ay naramdaman din ang pagyanig, pati na sa iba pang parte ng Metro Manila.
Kaya naman, agad nagsagawa ng inspeksyon ang engineering team ng palasyo upang matiyak na walang pinsala ang mga gusali sa complex, bago payagan ang mga tauhan na makabalik sa kanilang tanggapan. (Daris Jose)