City bus routes sa NCR, posibleng ibalik – DOTr
- Published on July 18, 2022
- by @peoplesbalita
PINAG-AARALAN ng Department of Transportation (DOTr) na muling maibalik ang mga ruta ng mga city buses sa Metro Manila, kasunod na rin ito ng muling pagbubukas ng mga paaralan sa Agosto.
Ayon kay LTFRB chairman Cheloy Garafil, inirekomenda ng ahensiya ang pagbabalik ng pre-pandemic city bus routes, na karamihan ay pumupunta sa university belt at ibang eskwelahan sa National Capital Region (NCR).
Nabatid na ang city bus routes, partikular ang hindi bumabagtas sa EDSA, ay binubuo ng 30% ng total pre-pandemic routes.
Tiniyak naman ni Transportation Undersecretary for Road and Transport Infrastructure Mark Steven Pastor na ang available public transportation ay sapat basta’t ideploy ng mga operators ang 90% ng kanilang Public Utility Vehicles (PUVs).
Nabatid na na-convene na ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang iba’t ibang concerned government agencies upang maayos ang mga isyu at problema na kinakaharap ng transport sector.
Nag-alok din umano ng mga solusyon para makapagbigay ng accessible, affordable, kumportable, at ligtas na travel experience para sa mga estudyante bilang paghahanda sa transition sa face-to-face classes sa Agosto.
Ang School Year 2022-2023 ay nakatakdang magsimula sa Agosto 22 habang ang full implementation ng face-to-face classes ay sa Nobyembre 2. (Daris Jose)