Lady Stags, Lady Bombers magpapang-abot sa stepladder
- Published on July 16, 2022
- by @peoplesbalita
IBUBUHOS ng San Sebastian at Jose Rizal University ang itinatagong lakas sa kanilang do-or-die match upang umabante sa second round ng stepladder semis ng NCAA Season 97 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Magpapang-abot ang Lady Stags at Lady Bombers ngayong alas-2 ng hapon kung saan ang mananalo ang haharap sa nagdedepensang Arellano Lady Chiefs sa second round ng stepladder.
Una nang umusad sa finals ang season host na St. Benilde na awtomatikong nakasikwat ng tiket sa best-of-three championship series matapos makumpleto ang 9-0 sweep sa eliminasyon.
Galing ang San Sebastian sa 25-15, 25-22, 27-25 paggupo sa Letran upang angkinin ang No. 3 seed sa semis.
Nauna nang naitarak ng Lady Stags ang 24-26, 19-25, 32-30, 25-5, 15-11 panalo kontra sa Lady Bombers sa eliminasyon noong Hunyo 22.
Dumaan sa butas ng karayom ang JRU matapos kubrahin ang 25-11, 16-25, 17-25, 25-21, 17-15 panalo laban sa Lyceum para sa huling semis seat.
Desidido rin ang Lady Bombers na makabawi sa Lady Stags.
“Malakas ang San Sebastian kaya kailangan naming maging consistent lalo na sa depensa,” wika ni Lady Bombers’ head coach Mia Tioseco.