Middle class may bawas tax
- Published on July 12, 2022
- by @peoplesbalita
MAKAKAGINHAWA na sa susunod na taon mula sa pagbabayad ng buwis ang mga middle class.
Paliwanag ni Sen. Sonny Angara, na mananatiling chairman ng Senate committee on Finance, magbebenepisyo sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law) o Republic Act No. 10963 ang mga middle class tulad ng mga guro, ordinaryong mga empleyado na nakakatanggap ng suweldo at binabawasan ng withholding tax dahil mababawasan na ang buwis nito sa susunod na taon.
Umaasa rin ang mambabatas na ang tax deduction sa ilalim ng TRAIN law ay makakatulong, kasabay ng pangako na titingnan niya ang ibang posibleng mekanismo na magpapagaan sa financial struggle ng nasa middle class sector.
Bukod dito, bukas din umano ang senador sa pagbibigay ng cash subsidies para sa middle class subalit dapat ay may sapat na pondo ang gobyerno para dito at prayoridad din ang mga mas mahihirap na Filipino.
Nauna nang ipinanawagan ng ilang mambabatas na bigyan din ng gobyerno ng ayuda ang nasa middle class dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Bukod pa rito, hirap na hirap na rin umano ang mga ordinaryong pamilyang Filipino sa taas na presyo ng bilihin habang nasa kasagsagan pa rin ng pandemya. (Ara Romero)