Panelo, nag-sorry kay VP Leni
- Published on November 21, 2020
- by @peoplesbalita
HUMINGI na ng paumanhin si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kay Vice President Leni Robredo matapos magkomento sa maling impormasyon na sumakay ang huli sa C-130 aircraft nang dumalaw ito sa Catanduanes noong November 3.
Sa katunayan ayon kay Sec. Panelo ay naglabas na siya ng apology matapos maberipika ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Philippine Air Force (PAF) na hindi sumakay si Robredo sa C-130 plane ng militar.
Sinabing una nang humingi ng paumanhin kay Robredo si Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos na mapatunayan na hindi totoong sumakay ng C-130 ang Pangalawang Pangulo.
Ayon kay Lorenzana, nilinaw sa kanya ng Philippine Air Force na pribadong eroplano ang ginamit ni Robredo nang magpunta ang huli sa Bicol para sa relief operation ng mga nasalanta ng bagyo.
Mula sa impormasyon ni Lorenzana ay nagbigay din ng komento si Panelo na nakikigamit ng sasakyan ng militar ang pangalawang pangulo.
Dahil dito ay nag-sorry si Panelo.
Gayunman, may puna pa rin si Panelo sa pangalawang pangulo kaugnay sa nag-viral na “#NasaanAngPangulo?” (Daris Jose)