PGH, PELIGRO SA KAKULANGAN NG NURSE
- Published on June 25, 2022
- by @peoplesbalita
NALALAGASAN ngayon ng mga nurse ang Philippine General Hospital (PGH) matapos na magsipagbitiw sa ospital.
Ayon kay PGH spokesperson Jonas Del Rosario may kabuuang 107 nurse ang nagbitiw sa Ospital mula noong nakaraang taon.
Aniya, 59 nurse ang nagbitiw noong nakaraang taon habang 48 ang natira mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Dagdag pa niya, marami pa ang planong mag-resign.
Samantala, nakapag-hire lang ang ospital ng 27 bagong nurse.
“Nababahala kami… Hindi lang naman kasi COVID ‘yung patients namin. In fact, ngayon ang problema namin, siguro nabalitaan ninyo na rin nagdadagsaan ang non-COVID patients sa amin,” sabi ni Del Rosario .
Aniya karaniwan ay mayroon silang 120 hanggang 150 na pasyente sa kanilang emergency room sa kabila ng pagkakaroon ng 70-bed capacity.
Sinabi ni Del Rosario na ramdam nila ang limitasyon na kulang ang kanilang nurse dahil nabawasan kung saan ikinakalat o dinedeploy na lamang sila kung saan sila mas kailangan.
Gayunpaman, sinabi ni Del Rosario na ang ospital ay hindi nakakaramdam ng bahagyang pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 kung saan 15 na pasyente lamang ang kasalukuyang na-admit sa PGH.
Sinabi ng tagapagsalita na ang kanilang mga nurse na dating nakatalaga sa mga COVID-19 ward ay na-deploy sa mga non-COVID ward.
“Well, ang DOH naman po ay naging katulong namin mula nung nagka COVID. In fact, nagpadala po sila ng mga DOH po na employed na nurses para i-augment ‘yung aming kakulangan,” dagdag pa ng opisyal.
“But just the same I think a lot of the DOH hospitals are also feeling this exodus kaya may kanya-kanya rin pong kakulangan,” ayon pa kay Del Rosario.
Sa ngayon, aktibong nagre-recruit ng nurse ang PGH. (GENE ADSUARA)