Libreng sakay program ng PUVs at MRT-3, magtatapos sa Hunyo 30
- Published on June 24, 2022
- by @peoplesbalita
MAGKASABAY na magtatapos ang ‘Libreng Sakay program’ ng mga public utility vehicles (PUVs) at ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Hunyo 30, 2022, na siya ring huling araw sa puwesto ng administrasyong Duterte.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nagdesisyon silang tapusin na ang kontrata ng mga natitira pang service jeepneys na bumibiyahe sa 28 ruta sa Metro Manila dahil sa kakapusan na ng pondo.
Nabatid na ang LTFRB ay binigyan ng P7-bilyong pondo para sa programa mula sa national budget ngunit umaabot sa P14 milyon kada araw ang kanilang gastusin upang mabayaran ang mga kinontrata nilang mga PUVs na siyang libreng nagsasakay sa mga pasahero araw-araw.
Nasa kabuuang 118 ruta naman na nagbibigay rin ng libreng sakay ang una nang natapos noong Hunyo 16, 2022.
Sinabi ni LTFRB Executive Director Kristina Cassion na bagama’t nais pa nilang ipagpatuloy ang programa na aabot pa sana hanggang sa Disyembre ay hindi na aniya nila ito kakayanin dahil sa kakapusan ng pondo.
Maging ang pamunuan ng MRT-3 ay nagpasabi na rin na ang kanilang libreng sakay ay hanggang Hunyo 30 na lamang.
Ayon kay MRT-3 general manager Michael Capati, ang susunod na administrasyon na ang magdedesisyon kung palalawigin pa ang naturang programa.
Samantala, ang mga bus naman na bumibiyahe sa EDSA Carousel ay magkakaloob pa rin ng libreng sakay hanggang sa Hulyo 30, 2022. (Daris Jose)