MMDA, binasura ang expanded number coding plan sa gitna ng oil price hike
- Published on June 22, 2022
- by @peoplesbalita
PARA sa Metro Manila Development Authority (MMDA) walang pangangailangan na palawakin ang kasalukuyang number coding scheme kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahilan naman ng pagkabawas sa bilang ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan.
Sinabi ni MMDA Chairman Rolando Artes na habang ang mga sasakyan sa EDSA ay umabot na sa “above” pre-pandemic levels na 417,000 noong Mayo 5. Bumaba na ito sa 390,000 “as of this week.”
“Sa ngayon, wala tayong plano na magpatupad ng expanded number coding scheme dahil nakikita namin na walang pangangailangan sa ngayon dahil patuloy na nababawasan ang bilang ng sasakyan sa ating lansangan,” ayon kay Artes.
“Iiwan na natin ‘yan sa susunod na administrasyon na mag-decide kung kailan na i-eexpand ang number coding scheme. Sa ngayon, mananatili ang present number coding scheme,” dagdag na pahayag nito.
Sa ulat, simula sa araw ng Martes, ang halaga ng diesel ay tumaas ng P3.10 Kada litro habang ang presyo naman ng kerosene ay tumaas ng P1.70.
Ang presyo ng diesel ay tumaas ng mahigit sa P13 sa nakalipas na tatlong linggo, ang halaga ng diesel ay tumaas ng P4.30 noong nakaraang linggo.
May ilang public transport drivers ang nagbanta na suspendihin ang kanilang operasyon sa gitna ng sinasabing mababang take home pay mula sa pamamasada habang ang ibang commuters ay gumagamit na ngayon ng electronic bikes o scooters.
Samantala, hinikayat naman ng MMDA ang mga tao na gumagamit ng electronic forms ng transportation na sumunod sa regulasyon. (Daris Jose)