COA, pinuna ang PCGG hinggil sa unrecorded stock certificates, artworks mula sa Marcos era
- Published on June 11, 2022
- by @peoplesbalita
PINUNA ng Commission on Audit (COA) ang mga hindi nai-record na 76 stock certificates (STCs) at 122 paintings at artworks na -narekover ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).
Batay sa 2021 annual audit report, sinabi ng Commission on Audit (COA) na nabigo ang PCGG na itala ang 772.594,488 shares of stocks ng pamilya at kaalyado ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na nagkakahalaga ng P54.61 milyong piso kaya’t wala ito sa libro ng PCGG.
Kabilang sa mga assets at properties na narekober ng PCGG ay shares of stocks na pag-aari ng iba’t ibang korporasyon at indibiduwal na nakatago sa PCGG Library, at maging ang ilan naman na nasa ilalim ng pangangalaga ng Independent Realty Corporation (IRC) Group of Companies, isang conglomerate ng surrendered corporations.
“The non-recording of the surrendered/recovered shares is tantamount to voluntarily giving away possession and control of what is due to the government and without due regard to existing accounting and auditing rules and regulations,” ayon sa audit team sa kanilang report.
Ang paliwanag naman ng PCGG, hindi man lumabas sa kanilang libro ang mga stocks certificates ay nakapasok naman ito sa mga tinutukoy na korporasyon.
Kasabay nito, lumabas din na nasa mahigit sa 100 paintings at artworks na nasa iba’t ibang bodega ng PCGG ang bigo ring mai-record sa libro ng ahensiya.
Kabilang sa 122 artworks ang 34 paintings, statues, jars, framed wood carvings, wood carvings, tapestries, lithographs, framed cross-stitch artwork, wine goblet, upright piano, decanter, collage, brass item, abstract, news clipping, framed news print, drawings, plaque at brass sculpture na matatagpuan sa PCGG station ang nananatilingg unrecorded sa mga libro ng PCGG. (Daris Jose)