Pagtama ng COVID 19 kay Vaccine czar Carlito Galvez at sa pamilya nito, katunayan na hindi dapat pang magpaka- kampante- Sec. Dizon
- Published on May 26, 2022
- by @peoplesbalita
HINDI dapat maging kampante ang publiko laban sa Covid 19 matapos na tamaan ng nasabing sakit si Chief Implementer Carlito Galvez at pamilya nito.
Malinaw lamang ani Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon na naririto pa ang virus sa bansa.
Bahagi ito ng naging ulat ni Dizon kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa sa estado ng ginagawang pagbabakuna sa bansa.
Ayon kay Dizon, mild lang naman ang sintomas na nararanasan ni Galvez at kailangan lang na magpagaling ng ilang araw.
“On behalf of Secretary Charlie Galvez, I would like to present a very brief report on the status of the vaccination program,” ani Dizon.
“As you know, Mayor, na tinamaan po ng COVID si Secretary Galvez kasama po ng kanyang pamilya. He and his family are in our prayers for his swift recovery pero awa po ng Diyos eh mild naman po ang kanyang sintomas. Kailangan lang pong magpagaling ng ilang araw, but I think…,” ang pag-uulat ni Dizon kay Pangulong Duterte sabay sabing ” I think it serves as a reminder, Mayor, to all of us that COVID is still there.”
Sabi naman ni Pangulong Duterte, wala namang problema gayung bakunado naman ang Kalihim.
“Iyan ang gusto nating sabihin, si Secretary Galvez, ‘yung kingpin talaga sa vaccination, siya ‘yung tigakuha ng lahat ng bakuna. Noong wala na siyang makuha, ang nakuha niya COVID na. P***** i**. Pero I hope that he is well and bakunado naman siya, walang problema. Go ahead,” ayon sa Pangulo.
Biro naman ng Pangulo kay Galvez, kung sino pa ang naturingang kingpin at tagakuha ng bakuna ay siya pa ang nakakuha ng COVID at ito ay nang wala na silang makuhang vaccine. (Daris Jose)