PDu30 sa kaibigan na si Putin: Huwag idamay ang mga sibilyan
- Published on May 25, 2022
- by @peoplesbalita
HINIKAYAT ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang “kaibigan” na si Russian President Vladimir Putin na magsagawa ng pag-iingat na huwag madamay ang mga sibilyan sa kanilang pag-atake.
Ito’y sa gitna ng alalahanin ukol sa tumataas ng bilang ng mga namamatay na sibilyan dahil sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi, hiniling ni Pangulong Duterte sa Russian Embassy in the Philippines na ipaabot ang kanyang mensahe kay Putin, sabay sabing obligasyon ng Russian leader na tiyakin ang kaligtasan ng mga inosente.
‘Yung embassy ng Russia, kung nakikinig, I am not picking a quarrel with anybody. I said Putin is a friend of mine. But…it is your moral obligation to see to it na the civilians, the innocent ones, children, the elderly, mga babae… Vulnerable masyado sila at walang — hindi sila marunong magtago, nandiyan lang sa bahay nila,” ayon sa Pangulo.
Maaari aniyang bigyan ng babala ni Putin ang mga sibilyan na bakantihin ang kanilang mga tahanan at lumipat sa mas “safer grounds.”
Inilarawan ng Punong Ehekutibo kung paano hawakan ng mga militar ang giyera bilang “ruckus” at umapela rito na kontrolin ang kanyang mga sundalo.
“The way they are handling the war everyday, pati ‘yung mga civilian, binobomba…Putin kaibigan ko man siya. You are in control of everything. Anyway, you really started the ruckus there. Higpitan mo ang mga sundalo mo. Nagwawala eh ,” dagdag na pahayag nito.
Aniya ang problema ng inflated oil prices ay hindi mareresolba hangga’t hindi natatapos ang Russia-Ukraine war.
“You have to solve the war between Ukraine and Russia before we can talk of even returning to normalcy. Sa pagka ngayon it’s a bleak picture because mukhang ayaw pa ni Putin hintuan ‘yung giyera,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Samantala, nilinaw naman ni Pangulong Duterte na hindi niya kinokondena si Putin kundi ibinabahagi lamang niya ang kanyang sentimyento.
“I am not condemning President Putin. I am just sharing my sentiment which is also the sentiment of every human being na nandito sa kuwartong ito . It’s not the way how to fight a war,” dagdag na pahayag nito.
Sa kabila ng pagkukumpara sa kanilang dalawa ni Putin, sinabi ni Pangulong Duterte na iba siya rito (Putin) dahil naaawa siya mga insodenteng sibilyan na nadadamay sa giyera.
“Maraming nagsasabi na pareho daw kami ni Putin nagpapatay. Alam mo gusto ko lang malaman ninyong Pilipino na pumapatay talaga ako. Sinabi ko ‘yan sa inyo noon pa. Pero ang pinapatay ko kriminal. Hindi ako pumapatay ng bata o matanda. Magkaiba ang mundo namin ni — ‘yung nangyayari ngayon sa Russia pati sa Amerika,” anito. (Daris Jose)