PDu30, nilagdaan ang batas na magbibigay ng monthly pay sa mga opisyal ng Sangguniang Kabataan
- Published on May 19, 2022
- by @peoplesbalita
TININTAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang batas na magpapalakas sa Sangguniang Kabataan (SK), kabilang na ang pagbibigay ng monthly honoraria sa youth council officials.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Mayo 6 ang Republic Act No. 11768, naga-amiyenda sa ilang probisyon ng Sanggunian Kabataan Reform Act of 2015. Ang kopya ng bagong batas ay ipinalabas sa media, araw ng Martes, Mayo 17.
Sa ilalim ng batas, ang lahat ng miyembro ng SK kabilang na ang treasurer at secretary ay dapat na makatanggap ng monthly honorarium sa pagtatapos ng bawat regular monthly SK meeting. Iyon nga lamang ay dapat na hindi ito lalagpas ng 25% ng pondo ng SK at hindi dapat na lalagpas sa kompensasayon na natatanggap ng SK chairperson.
Ang kani-kanilang local government units ay maaaring mag-provide ng karagdagang bayad at social welfare contributions at hazard allowance sa SK chairperson at iba pang elected at appointed members ng youth council sa pamamagitan ng local ordinances.
Ang SK members ay dapat din na entitled o may karapatan sa civil service eligibility base sa taon ng kanilang serbisyo sa barangay, ayon sa RA No. 11768.
Ang iba pang benepisyo ng SK officials ay kinabibilangan ng “exemption from the National Service Training Program, being excused from attending classes while attending regular or special SK meetings and special Sangguniang Barangay sessions, in the case of the chairperson being provided by the national government with PhilHealth coverage.”
Binibigyan naman ng mandato ng bagong batas ang bawat SK na magtalaga ng secretary at treasurer at magtakda ng iskedyul ng regular meetings at Katipunan ng Kabataan assemblies sa loob ng 60 araw ng pagtanggap ng posisyon.
Ang itinalagang SK treasurer ay dapat na mayroong education at career background na may kinalaman sa business administration, accountancy, finance, economics o bookkeeping.
Sa pag-upo sa tanggapan, ang mga miyembro ng SK ay inaatasan na lumikha ng three-year rolling plan na tatawaging Comprehensive Barangay Youth Development Plan.
Ang mga miyembro ay papayagan na magsagawa ng fund-raising activities, alinsunod sa development plan, ang proceeds o kikitain mula sa fund raising activity ay tax-exempt at idaragdag sa general fund ng SK. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)