• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

VP Leni Robredo, mga anak lumipad pa-New York

LUMIPAD  pa-New York City si Vice President Leni Robredo kasama ang kanyang mga anak upang dumalo sa graduation ng kanyang bunso na si Jillian at gugulin ang oras kasama ang kanyang pamilya.

 

 

Sa kanyang Instagram, nagbahagi si Aika, anak ni Robredo, ng video kasama ang kanyang ina at mga kapatid habang sakay ng eroplano.

 

 

Sa kabila ng naturang biyahe, tiniyak naman ng bise presidente na pangangasiwaan pa rin niya ang paghahanda para sa paglulunsad ng Angat Buhay program.

 

 

Ang Angat Buhay program ay isang non-government organization na binubuo ng mga volunteers na tumulong sa kanyang kampanya noong katatapos na eleksiyon.

 

 

Sinabi rin ni Robredo na ang Office of the Vice President ang siyang gumagawa ng paghahanda para sa official turnover ng kanyang tanggapan sa susunod na bise presidente ng bansa na si Davao Mayor Sara Duterte-Carpio.

 

 

Matatandaang si Robredo ay tumakbo sa pagka-pangulo sa katatapos na May 9 polls.

 

 

Bigo naman si Robredo na maluklok sa puwesto matapos na talunin ng kanyang mahigpit na katunggali na si presumptive president Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr..

 

 

Batay sa partial unofficial tally ng mga boto sa pagkapangulo hanggang noong Mayo 13 mula sa datos ng Comelec Transparency Media Server, nakakuha lamang si Robredo ng 14,822,051 boto kumpara sa 31,104,175 boto ni Marcos. (Daris Jose)