PDu30, gusto pa ng 3 hanggang 5 drug lords ang mapatay
- Published on May 14, 2022
- by @peoplesbalita
SA KABILA nang mahigit isang buwan na lamang ang itatagal sa Malakanyang, sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na mayroon pa siyang isang natitirang target sa kanyang “war against illegal drugs” at ito ay ang mapatay ang mga drug lords.
Sa katunayan, nagbigay na siya ng marching orders sa mga pulis na patayin ang mga drug lords at hamunin ang mga kriminal na lumaban sa mga awtoridad.
“Siguro bago ako mag-alis makatapos lang tayo ng tatlo o limang drug lords. Gusto ko patay, ayaw ko ng buhay. Gusto ko makita ang drug lords. Lumaban kayo kapag dumating na ang pulis. I urge you to fight it out. I will tell them, my coworkers in government, we have to gamble, we have to fight them,” ayon kay Pangulong Duterte.
Sa oras na bumaba na aniya siya sa Hunyo 30, sinabi ng Pangulo na handa siyang magbigay ng tulong sa mga police personnel na mahaharap sa asunto dahil lamang sa ginampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin kaugnay sa anti-drug operations at sakaling makapatay ng mga suspek habang nasa operasyon.
Tiniyak ng Punong Ehekutibo na poprotektahan niya ang mga ito kung sila ay inakusahan ng mali, sinabi niya sa mga pulis at tropa ng sundalo na maging matatag at matapang bitbit ang drug war.
“Kapag napasubo kayo, hindi na ako presidente, doing your duty sa trabaho lang, huwag kayong matakot. Kung wala kayong makuhang abugado, ako ang pupunta sa korte para sa inyo,” pagtiyak ng Pangulo. (Daris Jose)