Lady Eagles sisimulan ang title defense vs Lady Spikes
- Published on May 6, 2022
- by @peoplesbalita
SISIMULAN ng reigning champion Ateneo de Manila University ang pagdepensa sa titulo sa pagharap sa De La Salle University sa pagsisimula ng UAAP Season 84 women’s volleyball tournament ngayong araw sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magtutuos ang Lady Eagles at Lady Spikers sa alas-4 ng hapon kung saan inaasahang dudumugin ang venue matapos ang ilang taong paghihintay sa pagbabalik aksyon ng collegiate volleyball.
Magsisilbing pambuenamano naman ang salpukan ng University of Santo Tomas at Far Eastern University sa alas-10 ng umaga kasunod ang duwelo ng National University at Adamson University sa alas-12 ng tanghali.
Huling papalo ang banggaan ng University of the Philippines at University of the East sa alas-7 ng gabi.
Tutok ang atensiyon sa Lady Eagles at Lady Spikers na mortal na magkaribal sa liga.
Kukuha ng lakas ang Ateneo kina team captain Dani Ravena, Jaja Maraguinot, Vanie Gandler at Faith Nisperos para sa tangkang madepensahan ang kanilang titulo.
Alam ni Lady Eagles head coach Oliver Almadro na mas matinding laban ang kanilang haharapin sa season na ito.
Subalit handa ang kanyang tropa na gawin ang lahat para mapanatili sa Katipunan ang kampeonato.
‘We’re all excited. One game at a time ang approach ng team and hopefully maganda ang maging resulta ng bawat laro namin,” ani Almadro.