• March 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MAG LIVE-IN PARTNER SINAKSAK NG KAPITBAHAY SA MALABON

MALUBHANG nasugatan ang 54-anyos na vendor habang nagtamo naman ng maliit na sugat ang kanyang ka-live-in matapos pasukin at saksakin ng kapitbahay sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

 

 

Ginagamot sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa likod ang biktimang si Nelson Rama ng No. 56 East Riverside, Brgy. Potrero.

 

 

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na kinilalang si Ronaldo Reyes, 34 ng No. 65 East Riverside ng nasabing barangay.

 

 

Sa report nina PSSg Jeric Tindugan at PCpl Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief Col. Albert Barot, habang naglalaba ng kanilang damit ang biktima at kanyang live in partner na si Vivian Collantes, 52, sa loob ng kanilang bahay nang bigla na lamang pumasok ang suspek na armado ng patalim at inundayan ng saksak sa likod si Rama.

 

 

Tinangkang umawat ni Collantes subalit, sinaksak din siya ng suspek na nagawa namang masangga ng ginang kung kaya’t nagtamo lang ito ng minor injury sa kanyang dibdib.

 

 

Matapos nito, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ni Collantes sa naturang pagamutan si Rama.

 

 

Sa isinagawang follow up operation ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 sa pangunguna ni PLt. Joseph Almayda ay naaresto ang suspek habang narekober sa crime scene ang ginamit na armas. (Richard Mesa)