• March 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Overseas absentee voting larga na

UMARANGKADA na kamakalawa ang ‘overseas absentee voting’ para sa Halalan 2022 na inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) na sasamantalahin ng mahigit 1.6 milyong nakarehistrong botante.

 

 

Sa ilalim ng Overseas Absentee Voting Act, ang mga rehistradong botante sa abroad ay pipili ng presidente, bise-presidente, mga senador at party-list groups.

 

 

Ayon sa Comelec, ang United Arab Emirates ang may pinakamalaking bilang ng rehistradong absentee voting na nasa 290,182.

 

 

Nagkaroon naman ng bahagyang kaguluhan sa Hong Kong nang ipatigil ng konsulada ang pagboto dahil sa hindi na makayanang tanggapin ang mga dumagsang botante sa unang araw ng OAV. Nasa higit 93,000 ang rehistradong botante doon. Hinimok na lang ng konsulado ang mga botante na bumoto sa ibang araw.

 

 

Nasa higit 150,000 naman ang aktibong rehistradong botante sa buong Europa. Ang Italya ang may pinakamarami na umabot ng 38 libo kasunod ang United Kingdom, mahigit 30 libo at Espanya na mahigit 20 libo.

 

 

Sa konsulado ng Pilipinas sa Milan, magpapatupad ng ‘mixed-mode voting’ o parehong personal at postal voting.

 

 

Postal voting din ang ipatutupad sa Philippine Embassy sa Rome, Albania, Malta at San Marino. Personal voting naman ang ipatutupad sa Philippine Embassy to the Holy See.

 

 

Ang local absentee voting ay tatagal hanggang sa Mayo 9, araw ng eleksyon dito sa Pilipinas. (Daris Jose)