Seguridad sa May 9 polls, ikinakasa na
- Published on April 11, 2022
- by @peoplesbalita
IKINAKASA na ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang seguridad sa gaganaping halalan sa Mayo 9 sa bansa.
Nitong Biyernes ay nagsagawa ng Joint Command Conference sa AFP Commissioned Officers Club sa Camp Aguinaldo sina AFP Chief Gen. Andres Centino, PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, PCG Commandant Admiral Artemio Abu at COMELEC Chairman Saidamen Balt Pangarungan.
Ayon kay Col. Jory Baclor, Chief ng AFP-Public Information Office, pinag-usapan sa nasabing joint command conference ang deployment ng vote counting machines, official ballots, mga kagamitan sa eleksiyon, supplies at iba pang paraphernalias ng Comelec.
Nagbigay din ng updates ang AFP, PNP sa mga lugar na mahigpit na babantayan laban sa mga armadong grupo na posibleng manabotahe sa eleksiyon.
Kabilang dito ang nga rebeldeng New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group (ASG) at maging ang mga Private Armed Groups (PAGs).
Pinaghahandaan din ng energy sector, electoral boards ang posibleng brownout at tinalakay rin ng Inter-Agency Task Forces for the Management of Emerging and Infectious Disease ang mga pag-iingat sanhi ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Ang PNP, AFP ay pawang mga deputado ng Comelec para tiyakin ang seguridad sa halalan. (Daris Jose)