Pagtutulak para sa Alert Level 1 sa NCR, walang kinalaman sa halalan- MMDA exec
- Published on February 26, 2022
- by @peoplesbalita
WALANG kinalaman sa nalalapit na halalan sa Mayo at nagpapatuloy na political campaigns ang hakbang ng mga Metro Manila mayors na ibaba na sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) officer-in-charge at general manager Romando Artes, ibinase ng mga alkalde ang kanilang rekomendasyon sa COVID-19 data sa rehiyon.
“Wala naman pong kaugnayan ito,”ayon kay Artes nang tanungin kung ang nasabing rekumendasyon ay may kiinalaman sa eleksyon at kampanya.
“Ang basehan lang po ng Metro Manila mayors dito ay ‘yung datos po na nakukuha namin sa Department of Health-NCR na nagpapakita naman na bumababa ang kaso natin…Wala pong kinalaman ang eleksyon dito,” dagdag na pahayag nito.
Nagkasundo kasi ang mga NCR mayors na irekumenda na ibaba na sa Alert Level 1 mula sa Alert Level 2 ang alert level status sa NCR simula Marso 1, 2022.
Nauna rito, may ilang kampo ng mga kandidato ang nananawagan sa Commission on Elections na i-adjust ang restriksyon sa in-person campaigning. (Daris Jose)