• April 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

SEKYU TINARAKAN SA LIKOD NG SELOSONG BARANGAY EX-O

MALUBHANG nasugatan ang isang 55-anyos na security guard matapos saksakin ng 67-anyos na barangay opisyal dahil sa selos nang makitang binisita ng biktima ang babaeng nililigawan ng suspek sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

 

 

Ginagamot sa Manila Central University (MCU) hospital sanhi ng tinamong saksak sa likod si Raul Baquirin, 55 ng 221 Laura St. Brgy. Old Balara, Quezon City.

 

 

Kinilala naman ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang suspek na si Danilo Manansala, 67, Barangay Executive Office (Ex-O) ng Brgy. 17, Caloocan City.

 

 

Ayon kay P/SSgt. Jeric Tindugan, binisita ni Baquirin ang kanyang kapwa security guard na si Rowena Basinillo, 38, sa bahay nito sa 33 Guava Road, Purok Uno, Brgy. Potrero dakong alas-12 ng tanghali kung saan inalok siya nito na kumain ng tanghalian kasama niya na pinaunlakan naman ng biktima.

 

 

Habang kumakain ng tanghalian ang dalawa bandang ala-1:15 ng hapon nang sapilitang pumasok sa loob ang suspek at sinaksak sa likod ang biktima nang makita niyang sabay na kumakain ang dalawa.

 

 

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng isang Mitsubishi L300 van (NBJ-7820) habang isinugod naman ang biktima sa naturang hospital.

 

 

Nang puntahan ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 sa pamumuno ni P/Lt Joseph Almayda ang suspek sa kanyang bahay sa Caloocan City ay wala na ito kaya patuloy itong hinahanting ng pulisya. (Richard Mesa)