NASAGI SA BALIKAT, TRUCK DRIVER, NANAKSAK NG 5 KATAO
- Published on February 19, 2022
- by @peoplesbalita
SUGATAN ang limang indibidwal kabilang ang isang babae nang mistulang naghuramentado ang isang lasing na truck driver matapos na nagtalo dahil lamang sa nagkasagian ng balikat sa Tagaytay City Huwebes ng gabi.
Isinugod sa Ospital ng Tagaytay ang biktimang sina Jorgie Bagay y Legaspi, (babae), 41; Jan Rishan Fajardo y Cortez, 19; Ron Justine Bagay y Legaspi, 19; Francis Aala y Anacay, 19; at Cedrick Javier y Delos Reyes, 18, pawang residente ng Brgy Kaybagal, Tagaytay City; dahil sa tinamong sugat sa katawan mula sa saksak ng suspek na si Silvestre Pelayo y Tiquin, 41, isang truck driver.
Sa ulat ni PSSgt Archie Paclibar ng Tagaytay City Police, alas-9:45 kamakalawa ng gabi habang kapwa naglalakad ang suspek at Javier sa Purok 63, Brgy Kaybagal Central, Tagaytay City nang nagkasigaan ang kanilang balikat.
Dahil nakainum ang suspek, nagalit at kinompronta nito si Javier at dahil malapit lang ang bahay ng kaibigan na pupuntahan nito, nagsumbong ang huli kaya sumaklolo ang apat.
Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga biktima at suspek hanggang sa nauwi sa suntukan at dahil may dalang balisong ang suspek, mistulang naghuramentado ito at iwinasiwas sa mga biktima na dahilan ng kanilang mga sugat.
Matapos lapatan ng lunas sa ospital, pinauwi rin ang mga biktima dahil hindi naman malala ang kanilang mga sugat bukod kay Jorgie habang ang suspek matapos na nagtago ay kusang loob din sumuko sa awtoridad. (GENE ADSUARA)