Yorme Isko ‘di aatras sa presidential race
- Published on February 19, 2022
- by @peoplesbalita
TAHASANG itinanggi ni Aksyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno na isa siya sa dalawang presidentiable na aatras sa kandidatura kasabay ng paggiit na marami na ang mga botante na lumilipat sa kaniya.
“’Di ako susuko, ‘di natin susukuan ang taumbayan, ‘di natin susukuan ang sitwasyon,” saad ni Moreno makaraan ang pakikipagpulong kay La Union Gov. Francisco Emmanuel “Pacoi” Ortega.
Sa isang ‘blind item’ ng isang political website, binanggit nito na dalawang kandidato sa pagkapangulo ang aatras na sa kanilang kandidatura sa susunod na linggo.
Ngunit ayon kay Moreno, ang patuloy na pagtaas niya sa survey ng research firm na Tangere ay patunay ng pagpapatuloy ng kaniyang laban. Sa survey na ginawa mula Pebrero 11 hanggang 12, umakyat ang numero ni Moreno sa 23.5% mula sa 22.17% nitong Pebrero 5. Pumangalawa siya kay dating senador Bongbong Marcos na patuloy naman ang pagbaba sa 51.83%.
“At sa nakikita natin marami nang nagsi-switch kay Isko. I’m very happy about it and optimistic on the future,” dagdag niya. (Gene Adsuara)