MAMAMAYAN, HINIMOK NA MAKIISA SA CATHOLIC E-FORUM
- Published on February 17, 2022
- by @peoplesbalita
HINIMOK ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mamamayan lalo na ang mga botante na makiisa sa isinagawang voters education ng simbahan na One Godly Vote na Catholic E-Forum.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Permanent Committee for Public Affairs, layunin ng talakayan na bigyang kaalaman ang publiko sa mga usapin at plataporma ng mga kandidato upang makapagdesisyon ng tama sa nalalapit na halalan.
‘Nais po nating tutukan ay mga isyu na nakakaapekto lalo na sa ordinaryong Filipino at pakinggan natin kung ano ang mga solusyon, plataporma, istratehiya para mas mapaunlad ng mga kandidato ang ating bansa at higit sa lahat ay matulungan po natin ang ating kapwa Filipino,’ ayon kay Fr. Secillano.
Ang Catholic E-Forum ng One Godly Vote ay mapakikinggan mula Lunes hanggang Biyernes hanggang sa buwan ng Abril tuwing ika-8 hanggang ika-10 ng umaga kung saan tampok na panauhin ang mga kandidato sa pagkapangulo, ikalawang pangulo at mga senador.
Sinabi pa ng pari na tungkulin ng simbahan na paalalahanan ang mga nagnanais manilbihan sa pamahalaan na ang paglilingkod ay hindi para sa sarili kundi para sa taong bayan.
‘Hindi lamang ang simbahan ang bumabalanse sa mga ginagawa ng pamahalaan kundi ang simbahan ay maaring mag-compliment sa ginagawa ng pamahalaan.But you have to remember, the church is not going to take away the duty and obligation of the government that is not the aim of the church. Ngunit ang simbahan ay narito para paalalahanan ang pamahalaan na sila ay dapat na maging responsable at maging accountable sa kanilang mga gawain.’paglilinaw ng pari.
Binigyan diin ni Fr. Secillano na nawa sa pamamagitan ng pakikinig at dagdag kaalaman ay matalinong makapipili ang mga botante, lalo’t napapanahon na ang pagkakaroon ng pinuno ang bansa na tunay na hahango sa taong bayan mula sa kahirapan tungo sa tunay na kaunlaran.
Ang ‘One Godly Vote’ ay sa pakikipagtulungan na rin ng CBCP at Radio Veritas ang media arm ng Archdiocese of Manila kasama ang mga Catholic station at iba’t ibang media platforms ng simbahan. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)