30,400 vaccination sites sa buong bansa, gusto pang madagdagan ng DOH
- Published on February 16, 2022
- by @peoplesbalita
HANGAD ng Department of Health (DoH) na dagdagan pa ang inoculation sites sa buong bansa.
Sa kasalukuyan kasi ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) Health Usec. Myrna Cabotaje, ay may 30,400 lamang ang operational na mga vaccination site sa buong bansa.
Ani Cabotaje sa kanilang nakikita na maaaring maging additional vaccination area ay ang mga botika, klinika at mga malalaking company clinic.
Magugunitang, kabilang ang ilang mga piling pribadong pharmacy sa mga nakiisa sa ikinasa kamakailan na Resbakuna sa botika ng pamahalaan.
Samantala, alam na ng lahat na nakapagbibigay ng proteksyon kontra Covid-19 ang bakuna kaya naman tiwala ang NVOC na maging ang mga batang limang taong gulang pababa ay dapat na ring maturukan ng vaccine.
Binigyang halimbawa ni Cabotaje ang Estados Unidos, kung saan ongoing na ang pagbabakuna nila sa mga batang 2 hanggang 5 taong gulang.
Kumpiyansa naman si Cabotaje, na pahihuntulutan din ng ating mga eksperto ang pagbabakuna sa mga nasa age group na ito kapag mayroon nang vaccine maker ang nabigyan ng emergency use authorization o EUA para dito.
Ayon naman kay Philippine Medical Association (PMA) President Dr Benito Atienza, mahalagang mabigyan ng proteksyon laban sa virus ang lahat ng mga bata lalo nat nakapagtala ang bansa ng nasa 400 kabataang nahawaan ng Covid-19.
Nangyari aniya ito dahila karamihan ng mga batang nasa dalawa hanggang limang taong gulanga ay hindi pa nakatatanggap ng bakuna. (Daris Jose)