• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tumalon sa dagat, leader ng “Legaspi Drug Group” nalunod sa Navotas

DEDBOL ang isa umanong leader ng “Legaspi Drug Group” matapos malunod nang tumalon sa dagat para makaiwas sa pag-aresto ng mga pulis na nagsilbi ng warrant of arrest laban sa kanya sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

 

 

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang nasawing akusado na si Rodolfo Legaspi alyas “Ato”, 40 ng B. Cruz St., Brgy., Tangos North.

 

 

Ayon kay Col. Ollaging, unang isinilbi ng pinagsamang mga operatiba ng Navotas Police Intelligence Section at Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr, ang warrant of arrest kontra sa akusado.

 

 

Gayunpaman, nang lapitan ng mga operatiba ang suspek ay naglabas ito ng baril at dalawang beses na pinaputukan ang mga pulis.

 

 

Napilitan gumanti ng putok ang mga operatiba na naging dahilan upang tumalon sa dagat ang suspek para makaiwas sa pag-aresto kung saan hinanap siya ng mga operatiba hangggang alas-10 ng umaga subalit, hindi ito natagpuan.

 

 

Dakong alas-2:30 ng hapon nang matagpuan ng isang mangingisda na si Charlie Pausa, 19, ang wala ng buhay na katawan ng akusado na nakalutang sa dagat na sakop ng Tanza Pabahay, Brgy. Tanza 2.

 

 

Ani pulisya, narekober mula sa bangkay nito ang isang cal. Beretta 9mm at transparent plastic sachet na naglalaman ng hindi pa mabatid na dami at halaga ng hinihinalang shabu. (Richard Mesa)