• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

7 drug suspects timbog sa P1 milyon shabu sa Malabon, Navotas at Valenzuela

KALABOSO ang pitong drug suspects matapos makuhanan ng mahigit P1 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela, Malabon Navotas Cities.

 

 

Sa ulat ni PCpl Christopher Quiao kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, dakong alas-11 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa 051 C Molina St., Brgy., Viente Reales na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jeffrey Diaz alyas “Boss”, 36.

 

 

Nakuha kay Diaz ang tinatayang nasa P30 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P204,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 15 pirasong P500 boodle money, cellphone at coin purse.

 

 

Sa Malabon, alas-3 ng madaling araw nang madakma din ng mga operatiba ng Malabon Police SDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Albert Barot sa buy bust operation sa Pinagtipunan Circle corner Santol Road., Brgy. Potrero sina Ester Dela Cruz alyas “Teru”, 37, Sharon Dela Cruz alyas “Shawie”, 31, at Benjie Gardoce alyas “Bebe”, 23, pawang ng Caloocan City.

 

 

Narekober sa mga suspek ang tinatayang nasa 9 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P61,200 at P500 marked money.

 

 

Nauna rito, dakong alas-9:30 ng gabi nang masakote ng kabilang team ng SDEU si Adrian Besin, 24, delivery rider at Christer Olajay alyas “Terry Boy”, 18, kapwa ng Caloocan City sa buy bust operation sa M.H Del Pilar Brgy. Tugatog.

 

 

Ani PMSg Randy Billedo, nasamsam sa kanila ang tinatayang nasa 7.00 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) P47,600.00 at P500 marked money..

 

 

Samantala, tinatayang nasa 103.00 grams ng hinihinalang shabu na nasa P700,400.00 ang halaga ang nakumpiska naman ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Dexter Ollaging kay Abdullah Pasandalan alyas “Abdul”, 41 ng New UE, Baseco, Port Area Manila matapos maaresto sa buy bust operation sa M. Naval St., Brgy. NBBS Kaunlaran, Navotas City dakong alas-12:05 ng madalibg araw. (Richard Mesa)