• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 22, 2025
    Current time: October 22, 2025 12:05 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, nagsagawa ng cleaning operation sa mga daluyan ng tubig

LUNGSOD NG MALOLOS- Humigit kumulang 150 sako ng mga lumulutang na basura ang nakolekta sa ginanap na maliitang cleaning operation sa mga daluyan ng tubig sa ilalim ng tulay sa Brgy. Tawiran, Obando, Bulacan noong Biyernes, Enero 21, 2022.

 

 

Nilinis ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) at sa pakikipagtulungan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Obando ang mga basura na nagmula sa ibang lugar at tinangay ng daloy ng tubig sa Obando.

 

 

Sinabi ni Gob. Daniel R. Fernando na patuloy ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa tulong ng iba pang ahensya ng gobyerno para sa kalikasan, sa paggawa ng kanilang bahagi upang panatilihin ang kalinisan ng lalawigan ngunit idiniin niya na bawat isang tao ay may responsibilidad sa pangangalaga sa inang kalikasan.

 

 

“Napakalaki ang ginagampanang tungkulin ng bawat indibidwal sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran. Mahalaga na sa ating sarili at sa ating mga tahanan magsimula ang disiplina sa paglalagay ng basura sa tamang tapunan. Kung mangyayari ito, aabutan pa ng mga susunod na henerasyon ang mga pamana ng ating mga likas na yaman,” anang gobernador.

 

 

Ang clean-up drive ay bahagi ng pagtupad sa 10-point agenda ni Fernando o ang “People’s Agenda 10” na kabilang ang Mabiyayang Kalikasan at Malinis na Kapaligiran. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)