• March 8, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 NIGERIAN NATIONALS, 5 PINOY ARESTADO NG NBI

ARESTADO ng  National Bureau of Investigation (NBI) ang limang indibidwal kasama ang dalawang  Nigerian nationals dahil sa pagkakasangkot sa  “Mark Nagoyo Heist Group”, ang grupo  na responsable sa BDO hacking na nakaapekto sa 700 kostumer.

 

 

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor  ang mga suspek na sina, Ifesinachi Fountain Anaekwe alyas Daddy Champ, Chukwuemeka Peter Nwadi, Jherom Anthony Taupa, Ronelyn Panaligan at Clay Revillosa.

 

 

Sina Anaekwe at Nwadi na kapwa Nigerian  national ay naaresto sa entrapment  operation ng NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) sa Mabalacat, Pampanga noong  January 18, 2022.

 

 

Ang operasyon ay nag-ugat sa impormasyon na ibinigay ng impormante  na may transaksyon sa mga  suspek.

 

 

Ang impormante ay  lumutang sa NBI-CCD upang magbigay ng impormasyon kaugnay sa ilang indibidwal na pinaniniwalaang lider, miyembro o nauugnay sa Mark Nagoyo Group.

 

 

Maalala na December 2021, isang grupo  ang nagsagawa ng malawakang pagnanakaw na kinasasangkutan ng BDO at higit sa 700 mga customer nito.

 

 

Ayon sa inisyal na ulat, ang nasabing grupo at na-access ang bank accounts at nalimas ang kanilang mga pera.

 

 

Sa email confirmation ng mga illegal transfer, ipinakita na isinagawa ang transaksyon ng isang Mark D.Nagoyo.

 

 

Ayon sa impormante, ang mga suspek  ay nakikibahagi sa negosyo ng pagbibigay ng mga access device sa sinumang naghahanap ng mga opsyon para i-cash out ang mga pondong nakuha nang mapanlinlang..

 

 

Ang mga access device na ito ay mula sa mga bank account, crypto wallet, o kahit na mga point-of-sale na terminal ng mga lehitimong merchant.

 

 

Dagdag pa rito, nang tawagan ng isang  Mark Froilan ang impormante tungkol sa mga money cash out, nakipag-ugnayan ang huli kay Champ   na pagkatapos ay sinabing bibigyan niya ang impormante ng tatlong (3) magkakaibang mga account para makapaglipat siya dito ng Php 10 milyon  bawat isa, na tila tinutukoy ang ang pondo mula sa BDO.

 

 

Dahil dito naaresto ang dalawa sa operasyon habang aktong iniaalok ang account for sale.

 

 

Samantala naaresto rin sina Jherom Anthony Taupa sa buy bust operation sa Floridablanca, Pampanga dahil sa pagbebenta ng “scampage” o phishing website.

 

 

Sa impormasyon, si Taupa ay mastermind umano ng Mark Nagoyo Heist .

 

 

Naaresto rin sa hiwalay na operasyon sina Panaligan at Revillosa  na kapwa sangkot dun sa BDO hacking bilang web developer at downloader.

 

 

Mahaharap sa kasong Trafficking in Unauthorized Access Devices sa ilalim ng Section 9 of RA 8484 o mas kilala bilang Access Devices Regulation Act of 1998 sina Anaekwe at Champ

 

 

Sina  Taupa  ay kakasuhan ng Misuse of Devices sa ilalim ng  Section 4(a)(5)(i)(aa) of RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.GENE ADSUARA